Labis ang pagsisisi at humingi ng tawad ang isang guro na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation matapos umanong mag-post sa Twitter na magbibigay siya ng P50 milyong pabuya sa makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ulat ni Isa Avendano-Umali ng Super Radyo dzBB nitong Martes, kinilala ang dinakip na guro na si Ronnel Mas, 25-anyos, mula sa Pangasinan.

Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, na isasailalim sa inquest proceedings ang guro at kasalukuyan nasa Dagupan ang suspek.

Umiiyak na humingi ng tawad si Mas sa NBI at kay Duterte, at sinabing nagsisisi siya sa kaniyang ginawa.

Sinabi ni Mas na ipinost niya ang tweet noong Mayo 5, at gusto lang niyang makakuha ng atensyon.

 

 

Umapela rin kay Duterte ang ama ni Mas kaugnay sa ginawa ng kaniyang anak.

Samantala, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ipinapaubaya ng Palasyo sa mga awtoridad ang insidente.

"Kung merong prima facie case for any case, kasuhan siya," sabi ni Roque, na isang abogado rin.

"Mabibigyan naman po siya ng pagkakataon na patunayan na hindi siya nagkasala sa ating hukuman sa takdang panahon," dagdag niya. --FRJ, GMA News