Kahit bawal ang magkaangkas sa motorsiklo dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, malaya pa ring nakabiyahe at nakapang-agaw pa ng cellphone ang riding in tandem sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nahuli-cam ang ginawang pag-agaw ng mga salarin sa cellphone ng biktimang si Manabelle Corro, sa Timog Avenue.
Nagtatrabaho si Corro sa GMA News Department, at ginagamit daw niya ang naagaw na cellphone sa kaniyang online shop.
“No’ng na-assess ko, parang kaya ko siyang abutan e. Kaso po bigla kong na-realize na baka may dala na kung anuman. E sabi ko sige, cellphone lang naman ‘yun, mahal ko pa naman buhay ko,” aniya.
“Malakas talaga ang loob. It’s either baka gutom din, kailangang kumain,” dagdag pa ni Corro.
Ayon sa dalawang saksi, walang takot ang riding in tandem na tila sadyang naghahanap ng bibiktimahin.
“Naghahanap siya ng bibirahin talaga. Wala masyadong tao, nakita niya si ate na may hawak na cellphone,” ayon sa delivery rider na si Gilmore Diones.
Ayon sa Philippine National Police, isolated case lang ang nangyari. Katunayan ay bumaba umano ng 61 percent ang crime rate sa buong bansa mula Marso 17, ang simula ng ECQ, at Mayo 5 kumpara noong Enero 27 hanggang Marso 16.
“Alam naman nating ang criminal elements ay talagang naghahanap lamang ng pagkakataon,” ani ni Police Brigadier General Bernard Banac, tagapagsalita ng pulisya.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News