Matiyagang nagtiis ang mga residente ng Barangay Sauyo sa Quezon City nitong Biyernes para makakuha ng ID na kakailanganin para sa ayuda mula sa Social Amelioration Program ng gobyerno.

Inabot na ng hatinggabi ang nasabing pila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras News Alert nitong Sabado.

Ang pintor na si Hilario Mendoza ay pumila simula 5 p.m. at inabot na ng 12 a.m., o pitong oras.

Ayon sa kanya, kailangan niya ang ID dahil mahigit isang buwan na siyang walang trabaho.

Kahit na pinapauwi na ng mga barangay officials si Mang Hilario at ang iba pang residente, nagtiyaga pa rin silang pumila.

Ayon kay Francis Villanueva, senior clerk ng barangay, isang computer lang ang gumagana na kanilang ginagamit para mai-print ang barangay ID.

Nito rin lang daw linggo naibigay sa mga residente ang form para sa pag-apply sa Social Amelioration Program. Ito ay kahit noong unang linggo pa ng Abril natanggap ang mga form. Kinailangan pa raw kasing pirmahan ng kapitan ng barangay ang 9,000 forms. Isa sa mga requirements ang barangay ID. 

Ang mga forms ay ie-encode muna ng Quezon City Social Services Department bago mailabas ang pondo para sa mga approved beneficiaries.

Dapat ay sa Abril 30 ang deadline ng pagbibigay ng ayuda, ngunit na-extend ang deadline ng pitong araw pa sa hiling na rin ng mga local government units na may malalaking populasyon.

Ayon sa Bayanihan To Heal As One Act, makatatanggap ng ayuda na P5,000 hanggang P8,000 ang mga low-income families mula sa Social Amelioration Program bilang tulong habang may krisis dahil sa COVID-19. —KG, GMA News