Naiwan ng isang akyat-bahay ang kaniyang tsinelas matapos niyang looban ang isang ginagawang bahay at tumangay ng aabot sa P15,000 halaga ng mga gamit sa Quezon City. Ang mga awtoridad, duda kung magagamit ang tsinelas para mahuli ang suspek.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang paghuhubad ng lalaking suspek ng tsinelas bago niya akyatin ang isang poste papasok sa isang ginagawang bahay sa Barangay Bungad.

Lumipas ang 15 minuto, at nakita na ang suspek na pababa na may dalang bag at may suot nang bagong tsinelas.

Pasimple lamang na naglakad palayo at naglaho ang akyat-bahay umano na tangay ang mga gamit ng mga karpintero.

Kasama sa mga nakuha ang ilang cellhpone, isang tablet, bracelet, kwintas, powerbank at isang bagong tsinelas.

Hinala ng barangay na ang suspek rin ang nasa likod ng tatlong iba pang insidente ng akyat bahay sa lugar.

"Tingin ko talagang bihasa eh. Talagang sanay na sanay siya. Imagine nag-antay talaga siya na walang dadaan sa lugar na 'yon at sinamantala niya na talagang walang nakadaan kaya naka akyat siya doon," sabi ni Leah Alamani ng Brgy. Bungad.

Duda naman ang mga awtoridad kung makatutulong ang tsinelas sa paghahanap sa suspek.

"Kung sa tsinelas mahihirapan kami pero kung sa CCTV mahuhuli namin kaagad 'yan," sabi ni Reggie Payag, EX-O ng Brgy. Bungad. —Jamil Santos/LDF, GMA News