Sa pagsisikap ng Department of Health na maiwasan ang paglaganap ng polio virus, nagsagawa sila ng massive anti-polio vaccination sa health center ng Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City nitong Lunes.
Ang mga bata na 0-59 months o limang taong gulang ang puwedeng mabakunahan, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita ng GMA News.
Dapat lang ipakita sa volunteers ang immunization card ng bata kung mayroon nito para malaman nila kung nakapagbakuna na ang bata dati.
Matapos mabakunahan, kukulayan ng ink ang isang daliri ng bata bilang marka na nakatanggap na siya ng bakuna.
Noong Nobyembre hanggang Enero, naabot ng DOH ang 100% full coverage o mga 200,000 bata ang nagpabakuna. Binigyan sila ng Type 1 at Type 3 vaccines.
Kahit ang mga bata na hindi taga-Quezon City, nagpabakuna na rin dito.
Target ulit ng DOH na mabakunahan muli ang mga nabakunahan mula Nobyembre hanggang Enero, para makatanggap sila ng Type 2 vaccine at magkaroon na sila ng full coverage laban sa polio.
Inaasahan ng DOH na ngayong first round ng Type 2 vaccine, maaabot ulit ang 100% target na full coverage pagdating ng Pebrero 9.
Ang Type 2 vaccine ay hindi na mabibili sa merkado. Ito ay donation lang ng World Health Organization sa DOH.
Nasa health center ng Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. araw-araw ang mga taga-Quezon City Health Department at volunteers.
Araw-araw din silang mag-iikot sa mga bahay-bahay para ipaalala sa mga magulang na kailangan nilang pabakunahan ang kanilang mga anak. —KG, GMA News