Umakyat na sa 13 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ursula nitong Pasko sa Western Visayas, ayon sa ulat ng GMA News TV Live nitong Huwebes.

Batay umano sa impormasyon mula sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council,  siyam umano sa 13 nasawi ay mula sa Iloilo at apat naman sa Capiz.

Lima sa mga nasawi ay mga menor de edad.

Anim katao pa ang nawawala, at dalawa ang nasugatan nang manalasa ang bagyo sa Visayas region at ilang bahagi ng Luzon nitong Miyerkules.

Isinailalim naman sa state of calamity ang Kalibo, Aklan para magamit ng lokal na pamahalaan ang P2-million quick response fund.

Sa mga larawan ni Paul Cinco, residente ng Tanauan, Leyte, makikita ang malakas na hangin at ulan na dala ni Ursula.

"The aftermath of course made us sad because it's Christmas Day, but it doesn't feel like Christmas, but we're blessed to be safe...no major devastation or casualties reported," saad niya.

Mahigit 20,000 pasahero at 157 sasakyang pandagat ang hindi pinayagang maglayag,  at nasa 60 domestic flights ang nakansela dahil sa bagyo.

Nagdulot din ang ulan ng daluyong, pagbaha, pagkawasak ng mga bahay at establisimyento, at pagkawala ng suplay ng kuryente sa mga lugar na labis na sinalanta ng bagyo.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita," nasa 20 bahay ang nawasak sa Hernani, Eastern Samar. Kinailangan ding ilikas ang mga residente dahil sa storm surge.

Nasa 1,200 pamilya ang inilikas sa Hernani.

Sa Roxas City sa Capiz, lumikha ng hanggang tuhod na baha ang bagyo. Napinsala rin ang ilang bahay, gas stations, at maging ang Provincial Capitol ng Capiz.

Nagkaroon naman ng malawakang brownout bago pa man mag-noche buena nang masira ang ilang linya ng kuryente sa Tagbilaran, Bohol.

Nanalasa rin ang bagyo sa Odiongan at Sibuyan Island sa Romblon at pati na sa Naujan, Oriental Mindoro, na hindi pa nakakabangon nang husto sa hagupit ng nagdaang bagyong Tisoy.

Nagkaroon din ng pagbaha sa Pakil, Laguna, na umabot hanggang binti. Bukod sa pag-apaw ng mga ilog,  may mga bumara ring basura sa mga kanal. --FRJ, GMA News