Bukod sa mga mamimili, umiiwas na rin muna ang mga nagtitinda na magbenta ng itinuturing na isda ng masa na galunggong dahil sa mataas nitong presyo.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing umabot na sa P300 per kilo ang presyo ng galunggong sa Kamuning market sa Quezon City, na halos kapresyo na ng karne ng baka.
Dahil sa mataas na presyo, umiiwas na muna ang mga nagtitinda na magbenta ng galunggong dahil malulugi lang sila dahil walang bibili.
"Hindi kaya ng kostumer [ang presyo]. Ang kinukuha naming isda, 'yung abot-kaya lang ng pera ng mga tao," sabi ng tinderong si Noel Mercurio.
Tumaas din daw pati presyo ng ibang isda gaya ng dalagang bukid, salmon, tilapia, at bangus.
Ayon sa Department of Agriculture, ang pagtaas ng presyo ng mga isda ay pinagsamang epekto ng panahon at ng fishing ban sa Palawan at Zamboanga.
"Nangingitlog 'yung mga isda at pinapayagan po nating... 'wag munang manghuhili. At the same time, mataas ang demand this Christmas season," sabi ni Assistant Secretary Noel Reyes, spokesperson ng DA.
"Pangatlo, malamig ang karagatan. So ang mga isda, lumalayo. Therefore pag lumalayo, hinahabol ng ating mga mangingisda. Mas malaking gastos," dagdag niya.
Nakaapekto rin daw sa panghuhuli ng isda ang bagyong Tisoy.
Para masigurong may sapat na supply at para rin mapababa ang presyo ng isda, inaprubahan na ng DA ang pag-angkat ng 45,000 metric tons ng iba't ibang klase ng isda, kasama na ang galunggong.
Ang pagtaas ng presyo ng galunggong at iba pang isda ay sumabay sa pag-anunsyo sa pagtaas ng inflation nitong Nobyembre na pumalo sa 1.3 percent mula sa 0.8 percent noong Oktubre.
Sinusukat ng inflation rate ang bilis ng paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.-- FRJ, GMA News