Inilabas na ng pulisya ang litrato ng apat na "persons of interest" sa pagpatay sa babaeng labor officer ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Lunes sa Maynila. Nahuli-cam din kung papaano tinambangan ng mga salarin ang biktima.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dalawa sa mga pinaghahanap na lalaki ang itinuturong bumaril kay Senior Labor Officer Helen Dacanay sa loob ng kotse.

Sa kuha ng CCTV sa lugar kung saan inabangan ang biktima, makikita ang dalawang salarin na biglang humarang sa harapan ng sasakyan ni Dacanay at pinaputukan ang biktima.

Nakita naman sa ibang kuha ng CCTV kung papaano tumakas ang mga salarin, pati na ang dalawa pa nilang pinaniniwalaang kasabwat.

Patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang motibo sa krimen.--Jamil Santos/FRJ, GMA News