Nakatutuwang makita ang mga senior citizen na nabibigyan ng oportunidad na makapag-trabaho kahit na may mga edad na. Gaya ng ilang retired teachers na ngayon ay nagsisilbing mga tour guide sa Malabon Heritage at Library Museum.

Mayo raw ngayong taon nagbukas ang museo na naglalayong ipakilala ang kasaysayan at kaalaman tungkol sa lungsod ng Malabon.

Sa ngayon merong 10 retired teachers at principal dito sa museo na nagsisilbing tour guide. Once a week lang ang duty ng mga senior tour guide, kung saan nakatatanggap naman sila ng P2,000 allowance.

Ang pagbibigay ng livelihood para senior citizens ay bahagi ng proyekto ng pamahalaang lungsod — una na nga nilang nasimulan ang senior patrolers kung saan ang mga lolo at lola n’yo ang nag-sisilbing traffic enforcers at street sweepers.

P2,000 rin ang allowance ng senior patrolers, kung saan dalawang oras ang schedule twice a week.

Malayo man sa nakasanayang propesyon noon, natutunan na rin nilang mahalin ang trabaho  ngayon.

Bawat senior tour guide at senior patroler masaya na makapag-lingkod sa kanilang lungsod, at patunay sila na kaya pa ng mga lolo at lola n’yo kahit na may edad pa sila. —KBK, GMA News