Naging viral sa social media ang posts tungkol sa dalawang Grab drivers dahil sa kanilang pagiging matulungin, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Isa rito si Kuya Ronaldo, taga-Caloocan, na dalawang taon nang driver.
Nakilala sa social media si Kuya Ronaldo dahil sa isang post na nagkukuwenteo ng kabutihang ipinakita niya sa isang pasahero.
Ayon sa uploader, nang malaman ni Kuya Ronaldo na may dengue ang isa sa pasahero niya, bukod sa hindi na niya ito siningil ay inabutan pa niya ito ng tulong.
Ayon naman kay Kuya Ronaldo, alam niya ang pakiramdam ng isang magulang na may anak na may dengue dahil minsan nang nagka-dengue ang kanyang anak.
Hindi raw sukat akalain ni Kuya Ronaldo na magba-viral ang kaniyang ginawa.
Ayon pa kay Kuya Ronaldo, hindi ito ang unang pagkakataon na hindi na siya naningil sa kanyang pasahero lalo pa't alam niyang may pangangailangan ito.
Umani rin ng paghanga mula sa nga netizen ang isa pang Grab driver na si Orlan Cariño matapos tulungan niya ang isang pasaherong may alagang aso na nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.
Nasa emergency situation daw noon ang alagang aso ng uploader na kinakailangang dalhin sa veterinarian.
Ayon kay Kuya Orlan, ginawa niya lang daw yung trabaho niya. —KBK, GMA News