Kasunod ng pagkaanod kahapon ng sangkatutak na mga baboy sa Marikina River,
pakay ngayon ng lokal na pamahalaan ng Marikina na matukoy kung saan ba talaga nagmula ang mga patay na baboy at kung kontaminado rin ba ang mga ito ng African swine fever (ASF).
Nagpadala ngayong araw ng search party sa Marikina River ang lokal na pamahalaan ng lungsod, kasunod ng pagkaanod ng aabot sa kwarentang patay na baboy sa ilog kahapon.
Kabilang sa search party ang mga miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, Rescue 161, City Public Information Office, at Meat Inspection Unit ng City Veterinary office.
Sa may boundary ng Tumana at Nangka, hilera na ang nakitang mga patay na baboy na naanod sa may pampang. May isang baboy na sobrang nangingitim na, mayroong matigas na, at mayroong nabubulok na at bukas na ang bahagi ng katawan.
Ayon kay Dave David ng Marikina Disaster Risk Reduction and Management Office, nagsasagawa muna sila ng physical inspection upang malaman ang magnitude o lawak ng insidente.
Balak sana nilang baybayin hanggang San Mateo at Montalban ngunid hindi na sila makausad dahil mababa na ang tubig.
Ang inaalala ng CDRRMO ay ang posibleng maging epekto nito sa iba pang hayop. Ayon sa ulat, isang aso ang nakita ng mga awtoridad na tila pinag-interesan na ang patay na baboy.
"Ang domestic animals, posible mahawa magsimula ng epidemic. Mag-dispatch kami ng engineering team para ibaon mga patay na baboy," sabi ni David.
Sa Barangay Tumana, 14 pang baboy ang nakita ng dospatch team inanod sa may pampang.
May isa pang baboy na nakita sa Barangay Nangka. Kinukuhanan na sila ng blood at tissue sample para maisailalim sa laboratory testing.
Una nang nailibing kahapon ang 40 baboy na nakita sa Marikina River mula Miyerkules ng gabi.
Ipinaliwanag ni Marikina Mayor Marcy Teodoro kung bakit di na kinuhanan ng blood at tissue sample ang mga baboy na unang naanod at inilibing.
"Mahalaga malaman kung infected pero mas mahalaga proper disposal. Nabubulok na kelangan na ibaon agad," aniya.
Dalawa ang nakikitang posibleng dahilan ni Mayor Teodoro sa pagkaanod ng mga baboy sa marikina.
"Batay sa nakuhang litrato padala ng netizens isang lugar maputik maraming baboy mababaw libingan nakalabas katawan pagkakabaon naanod sa sapa o ilog... [May] possibility na irresponsible hog raisers, tinapon na lang sa river," ayon sa mayor.
Pero tingin ng CDRRMO, sinadyang ipaanod ang mga baboy dahil magastos at matrabaho kung ililibing nila nang maayos ang mga ito.
Malabo naman daw na nalunod lang ang ganun karaming baboy nang sabay-sabay.
Kaya dapat daw managot ang may sala at nakikipag ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa lokal na pamahalaan ng ilang bayan sa Rizal na posibleng pinagmulan ng mga naanod na baboy gaya ng San Mateo at Rodriguez.
Dahil naman may iba pang tributaries ang Marikina River, tinitignan din nila ang Cogeo, Antipolo at Teresa.
Ayon kay Teodor, nag-iimbestiga na raw sila kung saan galing ang mga baboy. "We’ve sent official communication para mag implement sila ng biosecurity measures. Dapat may proper disposal ng dead animals lalo na yung may hinalang may African swine fever," sabi niya.
Nasa executive-legislative agenda meeting daw ang mga opisyal ng Rodriguez, Rizal nang puntahan ng GMA News para kapanayamin.
Dati nang may napaulat na mga nangamatay na baboy sa bayan na kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na dahil sa ASF.
Hiniling naman ng Marikina sa DA na magpadala ng tao na magbabantay sa babuyan at slaughter house. — MDM, GMA News