Matapos maiulat ang kalunos-lunos na kalagayan ni Baby Ned na pinapahirapan ng kaniyang parasitic twin, dumagsa ang tulong sa kaniya upang maisalang siya kaagad sa operasyon at masagip ang kaniyang buhay.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mahigit tatlong oras ang itinagal ng operasyon sa sanggol na pinagtulong-tulungan ng iba't ibang espesyalista gaya ng neuro surgery team, plastic surgery team, anethesiology, pediatrician at mga nurse.
Ang aming kinaiingatan ay magkaroon ng pagdurugo na hindi natin makontrol. Dahil may malalaking ugat po na galing kay baby na pumupunta dun sa parasitic twin," sabi ni Dr. Jet Aguilar, Neurosurgeon, Philippine Children's Medical Center
"Agad po naming nakontrol yung ugat na 'yon at agad naming naihiwalay yung parasitic twin. Yung brain naman wala naman kaming nakitang malubhang abnormality," dagdag niya.
Umabot umano sa 800 grams ang timbang ng parasitic twin ni Baby Ned, halos kalahati ng kaniyang timbang na 1.75 kilo.
Gayunman, hindi pa tapos ang kalbaryo ni Baby Ned dahil dadaan pa siya sa isa pang malaking operasyon kaya patuloy niyang kakailanganin ang tulong. --FRJ, GMA News