Tinambangan ng isang lalaking naka-motorsiklo ang presidente ng Eulogio "Amang" Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at ang kanyang driver habang dumadaan sa Paco, Manila.
Sa kuha ng CCTV camera sa Pedro Gil corner Antonio Isip Sr., makikita ang salarin na pumarada sa tabi mismo ng pintuan ng sasakyan at walang habas na namaril.
Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa 24 Oras nitong Martes, tinamaan ng bala sa likuran si Dr. Editha Pillo. Tinamaan naman sa braso ang kanyang driver.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. Kabilang daw sa mga anggulong tinitignan nila ang trabaho ng biktima.
"With the use of a gun, hindi na siguro puwedeng masasabi na this is only a threat. (There's really intention to kill?) Yes, puwede, work-related," Police Colonel Erwin Idayag, commander ng Manila Police District station 10.
Naiyak si Dr. Pillo sa insidente. Hindi daw niya naisip na pagtatangkaan ang kanyang buhay, bagamat minsan na raw siyang nakatanggap ng death threat noong 2014 nang italaga siya bilang presidente ng EARIST. "Kung sino ka man, 'di ko alam kung ba't ginawa mo 'to sa akin. Wala naman akong kaaway...Sana ma-konsensiya siya."
Binaril at napatay ang isang direktor ng EARIST noong 2010. Binaril at napatay din ang vice president ng eskuwelahan noong 2012.
Hindi pa masabi ng pulisya sa ngayon kung may koneksyon ang tatlong insidente ng pamamaril.
Hindi rin daw nila isasantabi ang posibilidad na ang driver talaga ang target ng mga salarin. —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News