Isang grupo ng mga kabataan ang nakuhanan ng video na may ibinabato mula sa bakod patungo sa Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX) kung saan may mga dumadaan na sasakyan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News' "Unang Balita" nitong Martes, sinabing ang video ay mula sa isang concerned citizen. Hindi naman daw malinaw kung may tinamaang sasakyan sa ginawang pambabato ng mga kabataan.
Pero dati nang may mga motoristang nagrereklamo tungkol sa pagkakabato sa kanilang sasakyan habang dumadaan sa MCX.
Ang mga sasakyan na napinsala dahil sa pambabato, tinulungan umano ng pamunuan ng pamunuan ng MCX.
Nahuli naman umano ang mga menor de edad na nasa video.
Nakipag-ugnayan din umano ang MCX sa mga pulis at barangay para maiwasan ang mga naturang insidente ng pambabato.
Ayon sa isang opisyal sa Barangay Poblacion, nabawasan na raw ang mga insidente ng pambabato. Kadalasan daw na nagtatakbuhan ang mga kabataan na nambabato kapag nakita na nila na may paparating na awtoridad.
Ginagawa raw ng mga kabataan ang pambabato dahil lang sa "trip."
Ang mga nahuhuli naman na menor de edad, sinesermunan at pinapalipas ng magdamag sa barangay bago isusumbong sa kanilang magulang.
Ngayong 2019, mayroon umanong walong insidente ng pambabato sa MCX, habang umabot ang ganitong insidente sa 26 noong 2014.-- FRJ, GMA News