Arestado ang magkapatid na empleyado ng Parañaque City Hall dahil sa pagiging protektor umano ng ilegal na droga sa Barangay San Dionisio.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang magkapatid na sina Salah at Salman Mohamad na nakuhaan ng apat na baril, dalawang granada at mga bala nang arestuhin.
Bukod sa magkapatid, inaresto rin ang kanilang kasamang si Allan Acmad Barudi na dinala naman sa ospital matapos tumalon mula sa ikalawang palapag ng isang bahay na nilusob ng mga pulis.
Samantala, nakatakas naman ang ama ng magkapatid na si Salih na target din ng operasyon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Guillermo Eleazar, ang pamilyang Mohamad daw ang nagproprotekta ng bentahan ng ilegal na droga sa lugar.
Tumangging magbigay ng pahayag ang magkapatid at sinabing abogado na lang daw nila ang sasagot sa mga akusasyon laban sa kanila. —Joviland Rita/ LDF, GMA News