Puyat umano at nakatulog sa biyahe ang driver ng isang sasakyang nang-araro ng isang banda ng musiko sa Bacoor, Cavite.
"'Even 'yung barangay captain natin diyan, mga barangay tanod, 'yung mga unang nag-response talagang kinatok pa nila (ang driver sa kotse) dahil tulog talaga... ang sabi niya puyat na puyat siya," ayon kay P/Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police, sa panayam sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules.
Pauwi na raw sana sa Imus, Cavite ang driver galing sa kaniyang trabaho sa Maynila at hindi umano niya namalayang nakatulog siya sa biyahe.
Nagkataon namang tumutugtog sa kalsada ang banda pasado alas dos ng madaling araw noong Martes bilang bahagi ng kanilang tradisyon tuwing Simbang Gabi.
Sa kuha ng CCTV, hindi iniwasan ng kotse ang mga naglalakad na miyembro ng banda ng musiko sa gilid ng kalsada.
Labing anim ang sugatan sa insidente. Nasa kritikal na kondisyon ang lider ng banda.
Kinuyog ng ilang residente ang nakabanggang kotse pero nakaresponde naman agad ang mga opisyal ng barangay.
Nagbigay na umano ng tulong sa mga biktima ang lokal na pamahalaan ng Bacoor at mga kaanak ng suspek.
Mahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting to multiple serious injuries and damage to properties.
May paalala naman ang pulisya ngayong kabi-kabila ang mga salu-salo at inuman.
"Kung talagang inaantok na kayo o kaya nakainom kayo, huwag na po kayong magbiyahe. Kung talagang pupunta kayo ng Christmas party, make sure may kasama kayong driver kung talagang 'di maiiwasan na kayo'y mag-inom," sabi ni Cabatingan. —Dona Magsino/ LDF, GMA News