Bugbog ang inabot ng isang lalaki matapos siyang tumangging ibigay ang gamit ng kanilang tiyahin na kinukuha ng dalawa pang lalaki sa Sta. Cruz, Maynila. Naaresto naman ang dalawang salarin.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Rizal Ave. corner Tayuman Street, kung saan makikita sa CCTV ang matandang tiyahin na nakaupo sa bangketa.

Ilang saglit pa, bigla na lamang pinagsusuntok ang kaniyang pamangkin ng isang lalaki kaya ito napahiga.

Nakapalag pa ang biktima ngunit wala na siyang nagawa.

Samantalang ang isa namang lalaki, itinayo muna ang tiyahin ng biktima saka pinagsusuntok din ang biktima.

Kumakaway ang matandang tiyahin para humingi ng saklolo ngunit walang umawat sa mga nanununtok, maging ang mga security guard sa kalapit na establisimyento.

Umalis na lamang ang mga salarin na tila walang nangyari.

Kinilala ang biktima na si Bryan Lao na dinala sa ospital. Nagtamo siya ng mga sugat sa ulo.

Sinamahan naman ang kaniyang tiyahin ng dalawang nagmagandang loob na estudyante para magpa-blotter sa barangay.

"'Yung gamit nila, pinilit kunin nu'ng mga suspek, hindi pumayag 'yung biktima natin. So nu'ng nakipagbuno siya du'n sa gamit, bigla na lang inundayan ng mga suntok yung biktima," saad ni Alex Girado, staff ng Barangay 336 Zone 34.

Nang dahil sa CCTV, natukoy ng barangay ang identidad ng mga suspek na mga pasaway daw sa lugar.

"Pamilyar naman sa amin kasi palagi silang nandiyan tumatambay, minsan nag-iinuman pa diyan sa kanto na 'yan. Marami na ring report na ginagawa rin na hindi maganda yang mga 'yan," sabi pa ni Girado.

Nahuli ang mga suspek sa follow-up operation ng mga awtoridad, ngunit hindi na sila iniharap sa media kaya hindi na rin nakapagbigay ng pahayag. —Jamil Santos/LBG, GMA News