Sinibak sa pwesto si Anti-Crime Unit Chief Police Chief Inspector Manny Israel, hepe sa Manila Police District Station 1, matapos mahuli ang isa sa kanyang mga tauhan na tumitira umano ng cocaine sa isang Halloween party.
JUST IN: MPD Dir CSupt Rolando Anduyan kinumpirma na sinibak sa puwesto si Stn-1 Anti-Crime Unit Chief P/CInsp Manny Israel at inilipat sa District Admin Holding Office dahil sa tauhan nitong nahuling nagdo-droga sa bar sa Taguig, pinalitan siya ni P/Insp Agapito Yadao @dzbb
— manny vargas (@VargasMannysen) November 1, 2018
Ayon sa report ni Manny Vargas para sa Super Radyo's dzBB, ikinumpirma ito ni MPD Director Chief Superintendent Rolando Anduyan. Si Police Inspector Agapito Yadao ang itinalagang kapalit ni Israel.
Sa ulat ni Joseph Morong sa 24 Oras, nahuli ng bouncer na gumagamit ng iligal na droga si PO1 Redentor Bautista sa comfort room ng isang high-end club sa Taguig.
Nakuha kay Bautista ang 0.04 na gramo ng cocaine at kapirasong straw na ginamit niyang pangsinghot ng droga.
Ang suspek na si Bautista, nagpaalam daw na maysakit sa kanyang hepe para makadalo sa naturang party.
Nang arestuhin ng kanyang mga kabarong pulis, nagpakilala pa raw si Bautista bilang bayaw ng isang "Jaybee Sebastian" na kilala umanong drug lord.
Sasampahan ng mga kaso si Bautista kaugnay sa paggamit niya umano ng iligal na droga.
Ipinag-utos naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang pagsasagawa ng random drug test sa mga istasyon ng pulis. — Dona Magsino/BAP, GMA News