Gamit lamang ang mga kandila sa sementeryo, patuloy na binubuhay ng dalawang barangay sa San Luis, Batangas ang isang kakaibang tradisyong tinatawag nilang Tumba o Candle Festival.
Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali, karaniwang nagsisimula ang Tumba sa pagkuha ng mga naiwang kandila sa sementeryo. Ngayon, madalas binibili na lang ito.
"Kahit na bilhin na namin 'yung kandila dahil bawal na po 'yung magnakaw ng mga kandila sa sementeryo pinagpapatuloy pa rin namin," Sabi ni Carren Pioquinto na gumagawa ng Tumba.
Ginagamit nilang palamuti ang kandila para sa mga kubol at iba pang istruktura na kanilang ginagawa.
Ayon kay Pioquinto, dahil sa kanilayng tradisyong ito nakikita ng mga apo niya ang nakagisnang tradisyon na nanggaling pa sa kanilang mga ninuno.
Kung noon katatakutan ang tema ng Tumba, mas nakatuon daw ito ngayon sa pag-alala sa mga namayapa at pagkilala sa mga santo.
"Ang ating pinaparangalan kapag araw ng mga banal ay hindi mga multo, hindi mga wicked spirits. Ito ay mga kaluluwa na gusto nating nasa langit," paglilinaw ni Reverend Father Sam Titular, pari sa San Isidro Labrador Parish.
Aktibo sa tradisyong ito ang barangay ng Dulangan at Poblacion.
Kuwentong "stairway to heaven" ang ginamit na tema sa Tumba ng Barangay Poblacion. Tungkol ito sa paglalakbay ng mga kaluluwa salangit sa tulong ng mga dasal ng kanilang mahal sa buhay.
Samantala sa Dulangan, nakasentro naman sa pagpapatibay ng pananampalataya ang tema ng kanilang Tumba.
“Maipahayag sa kanila 'yung bawat santo na imahe ay isang impluwensiya sa amin upang gayahin na maging isang banal din po," sabi ni Jhan Jhan Gacer na gumagawa rin ng Tumba.
Dahil tradisyon na, marami paring kabataan ang nagpapatuloy nito.
Ayon kay Michael Mia, Information Officer ng San Luis, natututo raw ang mga kabataan ng pakikipagkapwa at pakikipagtulungan sa isa't isa dahil sa Tumba.
"Nagiging busy ang mga kabataan. Nagkakaroon kami ng unity na gumawa ng mga ganitong disenyo. At the same time maipakita natin na maalala natin, ipagdasal natin ang mga kaluluwa ng mga namayapa nating mahal sa buhay,” sabi niya. — Joviland Rita/MDM, GMA News