Nang-agaw na ng tsitsirya, nanabunot pa ang ilang batang lansangan na nakuhanan ng video na pinagkakaguluhan ang isang pampasaherong jeep sa EDSA Extension corner Macapagal Boulevard sa Pasay City noong Sabado. Ang mga kabataan, nadakip at inilagay sa kustodiya ng DSWD.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa cellphone video na kuha ni Victor Bagatcholon III na may pinag-aagawang tsitsirya ang mga kabataan sa sasakyan.
Ngunit ilang saglit ang lumipas, hinila ng isang dalagita ang buhok ng isang babaeng pasahero, saka nagpulasan ang mga kabataan.
Ayon kay Bagatcholon, sakay siya noon ng taxi at nagulat siya dahil higit sa sampung kabataan ang nagkakagulo sa jeep.
"May girl du'n na ano kinuha niya ata parang sweater ata, cardigan tapos aside from that may tsitsirya," sabi ni Bagatcholon.
Inimbitahan sa himpilan ng pulisya ang 16-anyos na lalaking nakaitim na t-shirt sa video kasama ang kaniyang ina.
Kaniyang giit, inawat lang niya ang mga kapwa kabataan nang makita niyang nagkakagulo na sila.
"Umaawat lang po ako kasi lahat po kami mapapaalis doon. Sabi ko huwag na silang mag-ano, bumili na lang sila ng pagkain nila. Hindi po talaga sila nagpaawat. Talagang kinuha nila 'yung pagkaing tsitsirya," anang 16-anyos na lalaki.
Itinuro niya sa pulisya ang iba pang kasamahan ngunit walang nadatnan ang mga awtoridad pagdating sa Pasay Rotonda.
Ngunit sa Diokno Blvd, nakitang natutulog sa container van ang isa pang 16-anyos na lalaki.
Nasagip ang lima sa mga kabataan, kabilang ang 13-anyos na dalagita na nanabunot ng pasahero.
"Tumakbo po kami sa jeep nagkakagulo po. Sabay sabi sa akin ng kaibigan ko 'Sabunutan mo nga 'yung isa.' Sinabunutan ko po, sabi sasampalin po rin kasi ako," sabi ng dalagita.
Sinabi ng driver ng jeep sa Pasay Police na sumampa ang ilang bata para mamalimos ngunit nang-agaw ng pagkain ang iba sa mga pasahero.
"'Yung iba dyan namimigay ng sobre 'yung mga sobre tapos lalagyan ng parang limos 'yun ang kinukuha nila. It so happened na 'yung ibang grupo is nang-agaw ng pagkain dun sa pasahero at siyempre nu'ng ayaw ibigay ay nananakit itong mga bata," sabi ni Sr. Supt. Noel Flores, Pasay Chief of Police.
Dadalhin sa DSWD at isasailalim sa counselling ang limang kabataang nasagip, at iimbitahan ng Pasay pulis ang mga magulang ng mga nasagip. — Jamil Santos/MDM, GMA News