Walang klase ngayong araw sa tatlong eskwelahan sa Brgy. Dampalit sa Malabon City dahil sa pagbaha na naranasan ng mga residente nitong Linggo.

Kabilang diyan ang Dampalit Integrated School, Dampalit Elementary School at Academia.

Pero ngayong Lunes nang umaga ay wala nang baha sa lugar.

Maging ang barangay hall ay gutter-deep ang baha habang umabot naman sa hanggang binti ang baha sa ilang bahagi ng kalsada.

Sabi ng mga tauhan ng barangay, ngayong weekend lang daw nila ulit ito naranasan.

Umapaw kasi ang tubig mula sa ginagawang bahagi ng dike dahil sa pabugso-bugsong pag-ulan nitong Linggo ng umaga na sinabayan pa ng high tide.

Naglagay ng halos 6,000 sandbags ang mga tauhan ng barangay pero hindi nito kinaya.

“Nung Thursday pa lang po hindi pa po 'yung pinaka-peak ng taas ng tubig nago-overflow na po ng konti dun sa part ng dike,” ani Carlo Dumalaog, chairman ng Brgy. Dampalit.

Apektado ang mga residente ng Sitio Doña Juana, Sitio Rodriguez One at Two, at Merville Subdivision.

“Hanggang dito nga ang tubig, hanggang bewang doon sa amin malalim kasi yun galing palaisdaan saka dito rin galing,” kwento ng residenteng si Salvador Santiago.

Sabi naman ng residenteng si Analisa Arco: “Malalim po yung baha diyan sa amin ganito na lang para abot sa sahig namin tapos yung dike konti na lang para magpantay yung tubig sa ilog at dito sa loob.”

Hindi naman kinailangang ilikas ang mga residente. —KBK, GMA News