Sugatan ang isang ginang at ang kaniyang anak matapos silang salpukin ng isang motorsiklo habang tumatawid sa Nagcarlan, Laguna.

Sa nahuli-cam na insidente na iniulat sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita na nakasakay sa wheelchair ang ginang at itinutulak ng kaniyang anak na lalaki habang tumatawid sa kalsada.

Malapit na sanang makarating sa kabilang bahagi ng kalsada ang mag-ina nang dumating ang motorsiklo na mabilis ang takbo ang sinalpok ang mga biktima.

Pawang humandusay sa kalye ang mag-ina at ang rider ng motorsiklo.

Isinugod sa ospital ang mag-ina na nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan.

Nagkausap na umano ang magkabilang panig at nangako ang rider na sasagutin ang pagpapagamot sa mag-ina. --FRJ, GMA Integrated News