Naaresto na ng mga awtoridad ang mastermind at anim pang suspek sa pagpatay sa mag-asawang online seller sa Pampanga. Ang ugat ng krimen, ang paniningil ng mga biktima sa utang ng mastermind na umaabot sa P13 milyong halaga ng beauty products na kanilang ibinebenta.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing iniharap ng pulisya sa media conference ang tatlo sa pitong suspek, na responsable sa pag-ambush at pagpatay kina Arvin at Lerma Lulu.
Nitong nakaraang linggo nang barilin ng riding in tandem ang mag-asawa habang sakay ng pickup truck sa Mexico, Pampanga.
Naaresto ang itinuturong mastermind sa Apalit, Pampanga, at kabilang siya sa mga iniharap sa press conference.
Hindi nakasama ang apat pang suspek na sumailalim na sa inquest proceedings.
“Allegedly, yung utang niya na P13 million, by products po 'yon, humanap siya ng middleman para ipapatay ang mag-asawang Lulu considering na palagi siyang sinisingil at pino-post pa sa social media,” ayon kay Police Colonel Jay Dimaandal, Pampanga Police Provincial Director.
Umabot umano sa P900,000 ang halaga ng pagkontrata ng mastermind sa mga inupahan nitong papatay sa mag-asawa.
Nakuha ng mga pulis mula sa mga suspek ang iba't ibang kalibre ng baril at iba pang mga gamit.
Inamin din umano ng mga suspek na may 12 pang kaso ng pamamaril ang kinasangkutan nila mula sa Pampanga, Bataan, at Nueva Ecija.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong double murder, habang iniimbestigahan din ang asawa ng mastermind kung sangkot din sa pagpatay sa mga biktima.
Tumanggi naman ang mga suspek na magbigay ng pahayag.
Sa hiwalay na ulat sa GMA News "24 Oras," inihayag ni Dimaandal, na inaanak ng mastermind ang anak ng mag-asawang biktima.
"Ibig sabihin, magkumare sila, magkakaibigan sila," ayon sa opisyal.
Kasama umano sa iniutos ng mastermind sa mga hitman na kunin ang inisyu nitong talbok na tseke na nagkakahalaga ng P13 milyon at dalawang cellphone pero hindi na nagawa ng mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News