Ipinahayag ng isang obispo sa Mindanao nitong Miyerkoles na hindi magtatagumpay ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law kung para lamang ito sa isang grupo.
Sa panayam sa Radyo Veritas, hinikayat ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang Kongreso na pag-aralang mabuti ang panukalang BBL, na sinertipikahang "urgent" ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Jumoad ang kahalagahan sa pagkonsulta at pagsali ng iba’t ibang mga sektor ng lipunan at bigyan sila ng patas na oportunidad sa pagpapatibay sa lahat ng aspekto ng BBL.
“BBL must not be exclusive and must give equal opportunities to everybody because a government that is exclusive is not a good government. A government is for the people and for the people and when you only choose a sector then it is destined to be a failure,” pahayag ng arsobispo.
Kabilang sa tinukoy ni Jumoad ang pagpili ng mga opisyal ng pamahalaan kung saan dapat ang lahat ay may pagkakataon na maging bahagi ng gobyerno.
“Positions should be based on credentials and not because of faith affiliations,” paliwanag ng arsobispo.
Pinangangambahan niya ang pagputok ng panibagong pag-aaklas sa oras na may sektor na maisasantabi sa BBL.
“When you neglect a sector that is part of the government, then be careful because there might be another rebellion that will come.”
Ang pahayag ng arsobispo ay kasunod sa pagsertipika ng Pangulong Duterte sa BBL bilang "urgent bill" na nangangahulugan na hindi na kailangan pa ng 3-day period sa pagitan ng 2nd at 3rd readings bago maipasa ang isang panukala sa Kongreso.
Samatala, inaasahan ng Malacañang na ang BBL ay malalagdaan ng Pangulong Duterte bago pa ang susunod na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.
Sa inilabas na pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong 2015, binigyang-diin na ang pangmatagalang kapayapaan ay matatamo sa pamamagitan ng paggalang ng bawat isa maging Muslim, Kristiyano, Lumad at iba pang panananampalataya na nakabase sa katarungang panlipunan, pagkakaisa at kapayapaan.
Sa kasaysayan ng bansa, tinatayang may 40 taon na ang kaguluhan sa Mindanao na siyang pangunahing dahilan ng hindi pag-unlad ng rehiyon, kung saan umaabot din sa higit 300,000 ang internally displaced dahil sa umiiral na karahasan at digmaan doon. —LBG, GMA News