Nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema sa anumang pagdinig ng Sandiganbayan kaugnay sa Mamasapano case na kinakaharap ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ang direktiba ng SC ay batay sa inihaing petisyong ng mga kaanak ng dalawa sa 44 na Special Action Forces commandos na nasawi sa isinagawang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
Nakatakda sanang basahan ng sakdal sa Pebrero 14 si Aquino sa kasong graft and usurpation of official functions kaugnay ng madugong operasyon sa Mamasapano.
Lumapit sa SC ang mga nasampa ng petisyon noong Nobyembre matapos na irekomenda ng Office of the Ombudsman na reklamong graft at usurpation of official functions ang isampa laban kay Aquino, kumpara sa mas mabigat na kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.
Kasama sa inireklamo kaugnay sa pagkamatay ng SAF 44 sina dating police chief Alan Purisima, at dating SAF commander Getulio NapeƱas.
Naghain din ng petisyon sa SC ang Office of the Solicitor General para atasan ang Office of the Ombudsman na kasuhan ng homicide si Aquino sa Sandiganbayan.
Kaugnay nito, naghain din ng mosyon si Aquino sa Sandiganbayan na suspindihin ang anumang pagdinig sa kaniyang asunto habang hindi pa nadedesisyunan ang mga inihain niyang petisyon na ibasura ang kaso.
Sa tatlong pahinang manipistasyon ng inihain ng mga abogado ng dating pangulo, sinabing mawawalan ng saysay ang mga gagawing pagdinig sakaling mapagbigyan ang kanilang Motion to Quash Information."-- FRJ, GMA News