Patay sa pamamaril sa harap isang restobar ang isang binata sa bayan ng Daet sa lalawigan ng Camarines Norte, madaling-araw noong nakaraanng Sabado.

Kinumpirma na ng Philippine National Police-Daet na kapwa nila pulis ang nakabaril sa biktimang si Jhake M. Glipo, 28-anyos.

 

Jhake Glipo. --PNP Daet

Matapos ang pagtatalo, nabaril umano ng suspek na si Police Officer 2 Alvin Francis Villarez, na naka-assign sa San Vicente Municipal Police Station (MPS).

Sa paunang imbestigasyon, nangyari ang pamamaril sa harapan ng Booze & Barrel Restobar sa San Vicente Road, Barangay Lag-on, Daet noong madaling araw ng Nobyembre 18, 2017.

Ayon kay Daet MPS Chief of Police Superintendent Wilmore Halamani, si PO2 Villarez ang lumalabas sa mga paunang imbestigasyon na responsable sa pamamaril matapos ang pagtatalo ng suspek at ng biktima sa loob ng isang carenderia.

Nahagip sa dalawang anggulo ng CCTV ang una’y pagtatalo sa pagitan ng grupo ng suspek at ng biktima sa loob pa lamang ng restaurant, at isa pang anggulo sa kalsada kung saan nakita ang aktuwal na pamamaril ng suspek sa biktma.

Noong Martes, nagtungo ang mga magulang ng biktima sa tanggapan ni Supt. Halamani upang magsampa ng reklamo laban kay Villarez at tatlo pang mga kasamahan nito.

Nabatid din na simula ng maganap ng krimen ay hindi na pumasok pa sa kanyang trabaho sa San Vicente MPS si PO2 Villarez.

Tiniyak naman ni Halamani na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang iharap sa hustisya ang mga responsable sa nasabing krimen.

Kamamailan lamang, ginawaran pa PNP Chief Director General "Bato" Dela Rosa ng Best Junior PNCO For Operation si Villarez.

 

PNP Daet photo

Nakatakda naman ang libingn i Glipo ngayong araw ng Miyerkoles. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News