Apat na lalaki, kabilang ang tatlong magkakapatid, ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay sa pagpatay at paghalay sa isang 16-anyos na babae sa Pasig City. Ang isa sa kanila, ibang pangalan ang itinurong nasa likod ng krimen.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, iniharap ng pulisya sa media ang mga suspek na si John Jerico Peralta, at magkakapatid na sina Joel, Emmanuel at Jomari Manuel .
Ayon sa isang saksi, si Peralta umano ang tumayong look-out, habang ang magkakapatid na Manuel ang kumuha umano sa biktimang si Grace Omadlao.
Nakunan din ng CCTV camera ang mga suspek na dumaan sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.
Nitong Lunes ng madaling araw nakita ang bangkay ni Omadlao na nakasubsod ang mukha at nakataas ang dalawang binti at magka-ekis ang mga paa.
Bagaman may saplot sa katawan ang biktima, lumitaw sa awtopsiya na may laceration sa maselang bahagi ng katawan ng biktima at may nakita ring semilya.
Mariing itinanggi ng apat ang krimen at itinuro ni Peralta ang isang ang isang Alyas Dodong na huli raw nakasama ng dalagita.
Sinabi naman ng magkakapatid na nasa bahay na sila nang mangyari ang krimen.
Ayon sa pulisya, itinuturing nilang "persons of interest" si alyas Dodong at dalawang iba pa. -- FRJ, GMA News