Isinapubliko ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol nitong Biyernes na nagkaroon ng bird flu outbreak sa ilang manukan sa Barangay San Agustin, San Luis sa Pampanga. Gumawa na rin ng hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus sa iba pang bahagi tulad ng pagpatay sa mga manok at iba pang ibon na maaaring umabot sa 200,000.

Sa pulong balitaan nitong, sinabi ni Piñol nagsimula ang outbreak ng avian influenza Type A subtype H4  sa isang quail farm bago umabot sa ilang poultry farm.

“There were indications of the disease as early as April. The first reported outbreak is in a quail farm, where there are ducks underneath. The ducks were the likely carriers of the avian flu virus since they have contact with migratory birds,” ayon sa kalihim.

“Then it spread to poultry farms, where around 37,000 heads have died,” dagdag niya.

Iniutos na umano ni Piñol na pag-quarantine sa mga apektadong lugar at pagkolekta at pagpatay sa mga manok at katulad na hayop sa loob ng one-kilometer radius.

“There were also many fighting cocks in the area. But we really have to do it, because we don’t want the disease to spread,” pahayag ng opisyal.

Tinataya ni Piñol na aabot sa 400,000 manok at iba pang uri ng ibon sa loob ng quarantine zone ang kailangang patayin.

Bagaman maaaring malipat sa tao ang virus, wala pa naman umanong naitatalang kaso na may nahawahan na tao sa apektadong lugar.

Samantala, naglagay naman ang Bureau of Animal Industry ng seven-kilometer danger zone sa San Luis para matiyak na walang manok at katulad na uri ng hayop na makalalabas sa lugar.

“There will be blockades. We will also deploy sprayers to the affected poultry farms,” ani Piñol. “This is the problem in commercial poultry. When the New Castle disease broke out, it was wasn't immediately reported as the raisers kept it to themselves.”

Bilang paghahanda na rin, sinabi ng kalihim na ipagbabawal na muna niya ang pagbiyahe ng mga hayop na may pakpak mula sa Luzon patungo sa ibang bahagi ng bansa.

DI KUMAKALAT

Sinabi naman ni Celia Carlos ng Research Institute for Tropical Medicine Assistant Director, walang H5N1 strain ang avian influenza na kumalat sa Pampanga.

Ipadadala rin umano sa Australia ang mga nakuhang sample masuri ang eksaktong strain ng influenza, at inaasahang lalabas ang resulta matapos ang dalawang linggo.

Nagbabala ang mga eksperto tungkol sa posibleng epekto kapag nagkaroon ng H5N1 outbreak na maaaring magdulot ng maraming sakit at mataas na mortality rate sa tao.

Sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na isinasagawa na ang quarantine sa pinangyarihan ng outbreak.

Lumitaw naman sa pagsusuri na malusog ang pangangatawan ng mga manggagawa sa poultry farm na isinailalim sa quarantine sa loob ng pitong araw.

Maaari ding sumailalim sa pito hanggang sampung araw na quarantine ang mga taong malapit sa apektadong lugar.

Gamit ang mga power spray, binabantayan na ngayon ng 12 quarantine teams ang mga exit route upang ma-disinfect ang mga sasakyang lumalabas ng quarantine area.

Nasa limang poultry farms umano ang nakitaan ng virus at halos karamihan sa mga ito ay mga 'layer' o inaalagaan para sa pangingitlog.

Gayunman, sinabi ng kalihim na maliit na bahagi lamang ng supply ng itlog sa bansa ang maaapektuhan ng outbreak.

Sa loob ng tatlong araw, tinatayang 200,000 mga manok at iba pang uri ng ibon na nasa one-kilometer quarantine zone ang papatayin upang matigil ang tuluyang pagkalat ng sakit.

Kaagad na ililibing mga papataying manok bilang pagsunod sa avian influenza guidelines ng Department of Health.

Ang iba namang hayop  ay ika-quarantine sa loob ng 90 na araw.

Matapos ang pagkatay at pag-spray mga apektadong poultry farm, magpapadala ang Bureau of Animal Industry ng mga hayop sa mga quarantine area upang subaybayan kung may natitira pang virus.

Nangangamba naman ang ilang tindera na baka maapektuhan ang presyo ng kanilang produkto dahil sa nangyayari. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News