Naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad ang pitong lalaki sa isang hotel sa Cubao, Quezon City matapos silang mahulihan ng iligal na droga nitong Huwebes.

Ayon sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita," matagal na umanong nagaganap ang bentahan ng droga sa hotel, kung saan tatlong buwan nang naka-check in ang target na si Mahor delos Reyes.

Bukod sa ilang sachet ng hinihinalang shabu, nahulihan pa ang mga lalaki ng shabung hinihigop at "ice" o shabung ini-injection.

Naaresto ang mga lalaki sa dalawang magkakahiwalay na kuwarto, at nakuha sa kanila ang hindi bababa sa limang gramo ng halu-halong uri ng shabu.

Pag-amin ni Delos Reyes, kumukuha raw siya ng mga runners upang mag-deliver ng mga items.

Samantala, arestado rin ang ilang parokyanong naka-check-in at kumukuha sa kanya.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang hotel dahil kataka-takang matagal ang pananatili ni Delos Reyes sa nasabing establisyimento at kung sinu-sino ang pumupunta sa kanyang kwarto. — Jamil Santos/MDM, GMA News