Humantong sa duraan hanggang nauwi sa rambulan ang simpleng away sa trapiko ng isang motoristang muntik mahagip ang mag-amang tumatawid sa kalsada sa Marikina City.
Sa exclusive report ni Cesar Apolinario sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, nangyari ang insidente noong hapon ng June 2 sa kahabaan ng J.P. Rizal St. sa Barangay Nangka ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, tiyempong papatawid ang mag-aama sa pedestrian lane nang muntik na silang mahagip ng pick-up na noo'y agad namang nakapagpreno.
Nag-init ang ulo ng lalaking pedestrian kaya dinuro-duro niya ang driver ng pick-up at nagsisisigaw. Makikita sa CCTV na pinipigilan siya ng batang babae, kaya itinawid niya muna ito bago binalikan ang driver na nagbukas naman ng bintana.
Ayon kay Marcelino Tolentino, team leader na tanod ng Brgy. Nangka, matapos ibaba ng driver ang bintana, dinuraan na siya ng lalaki kaya sila naghamunan.
Pahayag naman ng driver ng pick-up na nagbigay ng video: "Mabuti pang minura niya na lang ako, 'wag lang akong duraan sa mukha."
Dahil sa nangyari, lalong nagkainitan ang dalawa. Habang papunta sa barangay kasama ang rumespondeng traffic enforcer, makikita sa CCTV na tinapik ng lalaki ang driver ng pick-up, na gumanti naman ng sipa.
Nagdesisyong umalis na lang ang driver pero sumunod pa rin ang lalaki, kaya nagpakawala uli siya ng isa pang sipa.
Umawat ang enforcer pero nauwi ito sa rambol dahil nagtawag ng resbak ang lalaking pedestrian.
Sinabi ng driver ng pick-up na hindi lang isa kundi nasa 10 ang kakilala ng pedestrian ang rumesbak at pinagtulungan siyang bugbugin, na hindi na nakita sa CCTV.
Pahayag pa ni Tolentino na pagdating sa barangay, ang tumatawid na pedestrian ang nag-complain.
Nagkaayos naman daw ang dalawa sa barangay.
"Iwasan natin huwag mangdura ng tao. 'Wag masyadong mainit at unawain din yung mga motorista," sabi ni George Cenon, traffic enforcer sa Brgy. Nangka.
Sinubukang kuhanan ng pahayag ang pedestrian na naka-alitan ng driver ngunit nag-abroad na raw ito. —Jamil Santos/JST, GMA News