Isang babaeng rider ang nasawi matapos sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo sa Bataan. Sa Quezon naman, isang babae rin ang nasawi matapos na mabangga ng motorsiklo.
Sa ulat ni Jeric Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang nasawing rider na si Amor Marie Gerona, 36-anyos, residente ng Barangay Camayan sa Mariveles, Bataan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binabaybay ng rider ang kalsada sa Barangay Maligaya nang bigla siyang mawalan ng kontrol sa motorsiklo na dahilan ng kaniyang pagsemplang.
Tumilapon ang biktima at bumangga sa kongkretong center lane ng kalsada. Nagtamo siya ng matinding sugat sa ulo at katawan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.
Sa ulat naman ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, nasawi ang 79-anyos na si Estrella Dejan nang mabundol siya ng motorsiklo habang tumatawid sa Barangay Antonino sa Dolores, Quezon.
Ayon sa pulisya, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nagkaroon nang hindi pagkakaintindihan ang biktima at ang rider bago mangyari ang insidente.
"Tumigil siya [biktima] then yung motorsiklo din naman po tumigil. Ang pagtataka lang nila nung umabante, biglang lang lumakad yung... nagtuloy sa paglakad yung biktima (at) sumunod din ng andar, arangkada yung motorsiklo. Doon na po nabangga," sabi ni PSMS Raymond Ramos, Investigator on case, Dolores Municipal Police Station.
Nabagok ang ulo ng biktima na dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang rider at kaanak ng biktima, na batay umano sa rekord ng pulisya ay nagkaroon na ng pag-uusap. --FRJ, GMA Integrated news