Nakatikim ng sipa at galit ang isang lalaki sa Leyte mula sa nanay ng batang dinukot at pinatay umano niya.

Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, iniulat na nawala noong December 14 ang biktimang pitong taong gulang.

Lumabas sa pagsisiyasat sa mga CCTV footage sa lugar na kasama siya ng lalaking helper ng pamilya.

Sumakay sila sa tricycle pero hindi na nakabalik.

Nang kuwestiyunin ng pulisya ang helper, sinabi niyang iniwan na niyang patay sa damuhan ang bata.

Kinabukasan, agad tinungo ng pulisya ang lugar at doon natagpuan ang bangkay ng biktima.

Sinabi raw ng suspek na ginawa niya ito sa bata para ipaghiganti ang kapatid niyang pinagsusuntok daw ng ina ng biktima.

Dati nang nakulong ang suspek dahil sa droga, ayon sa pulisya. — BM, GMA Integrated News