Nasawi ang driver ng isang tricycle nang mabagsakan siya ng natumbang puno sa General Trias sa Cavite.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GTV News "State of the Nation" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay San Francisco ang pagdaan ng ilang tricyle.

Maya-maya pa, isang malaking puno na nasa bangketa ang biglang nabuwal at bumagsak sa isang tricycle.

Nayupi ang tricycle at nasawi ang driver nito dahil sa matinding sugat na tinamong sa ulo.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumambot ang lupa sa lugar dahil sa naranasang mga pag-ulan.

Nagbigay naman ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima na hindi na umano nagbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News