Patay ang isang lalaki matapos umanong barilin sa ulo ng kaniyang katrabaho sa Barangay Balagtas sa Batangas City.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang may alitan ang suspek at ang biktima.

Nang natunton ng mga pulis ang suspek sa isang hotel, pinuntahan nila ito para arestuhin.

Pero sa halip na sumuko, pinaputukan ng suspek ang mga pulis.

Isang pulis ang nasugatan na kinailangang dalhin sa ospital.

Kinalaunan, nakita ang suspek sa loob ng kuwarto na patay na matapos magbaril umano sa sarili. -- FRJ, GMA Integrated News