Inihayag ni Rayver Cruz na tinitingnan niya bilang patunay na may "forever" ang kapatid na si Rodjun Cruz at ang asawa nitong si Dianne Medina.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Rayver kung nakararamdam siya ng pressure na mag-asawa na rin dahil kasal na ang kaniyang kuya.

"Mas nai-inspire. Napakasuwerte ko kasi may mga kuya ako kagaya nila na nandiyan para sa akin," sabi ni Rayver.

"Kagaya nga ng sabi ko, ang dami kasing nagsasabi na 'Walang forever.' Pero kasi na-witness ko talaga kay Rodjun and Dianne eh. Meron talaga Tito Boy eh," dagdag ni Rayver.

Ayon kay Rayver, masaya siyang nasaksihan at naging bahagi sa love story ng kaniyang kapatid at ni Dianne.

"Mga bata pa lang kami, ako pa 'yung nanggugulo sa dates nila, hanggang ngayon na kinasal sila, hanggang ngayon na may pamangkin na ako. Si Rodjun talaga 'yung tinitingala ko," anang Sparkle actor.

Ikinasal sina Rodjun at Dianne noong 2019. May isa na silang anak, na si Rodolfo Joaquin Diego III.

Sa isa namang panayam, sinabi ni Rayver na gusto na niyang pakasalan si Julie.

"Mahirap magbitaw ng salita, pero malapit na, kasi hindi na tayo bumabata," sabi ni Rayver. "At kung gusto ninyong marinig, yes, I will marry Julie Anne San Jose."

https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/familyandrelationships/889988/rayver-cruz-yes-i-will-marry-julie-anne-san-jose/story/

"Mahirap pang sabihin kung ano 'yung exact, pero alam ng Panginoong Diyos at alam naman niya kung gaano ko siya kamahal," dagdag niya.

Ayon pa kay Rayver, si Julie na ang kaniyang "The One."

"I just know deep in my heart na si Julie Anne na, siya na talaga."

Gayunman, sinabi ni Rayver na hindi pa niya masabi kung kailan siya magpo-propose, at hindi sila nagmamadali ni Julie sa kanilang relasyon.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News