Ikinuwento ni Jennylyn Mercado ang nakatutuwang eksena nang maiwan ni Dennis Trillo ang kanilang singsing sa araw ng kanilang kasal, na nadiskubre lang nila noong mismong hinihingi na ito sa kanila ng pari.
"Noong time na 'yung wedding namin, naiwan niya 'yung singsing. So, buwisit na buwisit ako. Siyempre, 'yung hormones ng pregnant woman, talagang galit ako," pagsisimula ni Jennylyn sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.
"Pero 'yung bahay po namin malapit lang, mga five minutes away. Nakalimutan mo pa rin," natatawa na lamang na pag-alala ni Dennis.
"Sinabihan ko siya na, sobrang specific ng instruction ko, 'Kunin mo 'yung ring, nandito sa bag ko, eto 'yung color ng box,'" sabi ni Jen.
Pag-alala naman ni Dennis, dalawa ang box na nasa bag ni Jennylyn kaya siya nalito.
"Dalawa po 'yung box, 'yung isa walang laman. 'Yun 'yung nakuha ko, 'yun 'yung nadampot ko," sabi ni Dennis.
"Ang sabi ko sa kaniya 'Paano kung sa Tagaytay tayo kinasal? Paano mo kukunin sa Quezon City?'" pag-alala ni Jen na pagalit niyang sinabi noon kay Dennis.
Si Dennis, tila humirit na lang para malimutan ang nangyari.
"Pero ang totoo Tito Boy, may singsing man o wala, kaya pa rin... Kahit na alambre lang 'yan na mapulot mo kung saan, simbolo lang 'yan ng pagmamahal na ibibigay ko sa kaniya," saad ng aktor.
"Dennis, nakalimutan mo pa rin," birong sabi ni Tito Boy.
Kung kaya noong naglalakad na sa aisle, hindi raw maiwasan ni Jen na talagang mainis.
Ngunit muling humirit si Dennis na, "At least unforgettable 'yung experience. Hindi 'yung pangkaraniwan na perfect."
Paglalahad ni Jen, nalaman na lamang niyang naiwan ni Dennis ang singsing nang hingin na ito sa kanila ng pari.
"Nandoon na kami. Hinihingi na ni Father 'yung singsing. Asan 'yung ring? Tapos binigay 'yung box, walang laman," sabi niya.
Pag-amin ni Dennis, namutla siya noon sa pagkapahiya.
Ang kanilang driver na lamang ang umuwi para kunin ang singsing.
Ikinasal sina Jennylyn at Dennis noon ding 2021.
Mayo 2022 nang isilang ni Jennylyn ang anak nila ni Dennis na si Baby Dylan.--FRJ, GMA Integrated News