Inihahandog ng GMA Network ang ilan sa bigatin at kaabang-abang na series sa 2024, kabilang ang drama, fantasy, suspense, historical at kilig-serye.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nagbabalik si Marian Rivera at makakatambal si Gabby Concepcion para sa upcoming series na "My Guardian Alien."

Inilabas na ang trailer kung saan tila kakaibang nilalang o alien ang gagampanan ni Marian.

Intense drama naman ang pagsasamahan nina Bea Alonzo, Gabbi Garcia at Carla Abellana sa "Widows' War." Sa naturang series, ipakikita nila na hindi sila aatras sa laban.

Pagbibidahan naman nina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco at Alden Richards ang historical action drama na "Pulang Araw," na tungkol sa pagsasakripsyo sa panahon ng digmaan para makamit ang tunay na kalayaan.

"Nakita niyo naman, umpisa pa lang wala pang pinapakita na kahit na sinong character sa amin, talaga namang kaabang-abang na at talagang nae-excite kami kahit kami nina Barbie na gawin talaga namin ito," sabi ni Sanya.

Mapapanood din ang ibang atake ng drama at kuwento sa "Asawa ng Asawa Ko" kasama sina Jasmine Curtis-Smith, Liezel Lopez at Rayver Cruz.

"First time kong makakatrabaho parehas sina Liezel Lopez at Ms. Jasmine Curtis. Napakahusay, napakagaling. Hindi siya 'yung tipikal na agawan serye na alam nila. Kakaibang love story, maaksyon, madrama, may puso, makapamilya, ang daming nangyari and excited na ako na mapanood nila," sabi ni Rayver.

Ang "Love. Die. Repeat" naman ay kuwento ng gagawin ng isang tao para sa kaniyang minamahal kung may kakayahan siyang ibalik ang oras bago sila tuluyang magkahiwalay. Pagbibidahan ito nina Jennylyn Mercado at Xian Lim.

Mapapanood ang "Love. Die. Repeat" at "Asawa ng Asawa Ko" simula Enero 15. — VBL, GMA Integrated News