Pinasinayaan na ang 6.5 meter (21 foot) na estatwa ng Colombian singer Shakira sa Gran Malecon de Barranquilla, sa Barranquilla, Colombia.
Naka-belly-dancing pose ang giant bronze statue na may plake at may nakasaad na "hips that do not lie."
Ang alkalde ng lungsod na si Jaime Pumarejo ang nagpasinaya sa estatwa na nakapuwesto malapit sa Magdalena River.
Ayon kay Pumarejo, ang estatwa na likha ni Yino Marquez, "shows millions of girls that they can, that they can pursue their dreams and any of them can achieve what they want."
Sinabi rin ng alkalde na dati niyang nakikita si Shakira na kumakanta sa local children's concerts.
Nakasaad sa plake ang papuri kay Shakira na nagwagi ng tatlong 2023 Latin Grammy Awards, at pagkilala sa kaniyang charity na "Pies descalzos," na ang ibig sabihin ay "bare feet," para early childhood development.
"A heart that composes, hips that do not lie, an unmatched talent, a voice that moves masses and feet that march for the good of children and humanity," nakasaad sa plake.
Sa pahayag ni Shakira na inilabas ng tanggapan ni Pumarejo, sinabi ng mang-aawit na ikinalulugod niya ang ginawang estatwa at mananatiling tahanan niya ang Barranquilla.
Naninirahan na ngayon si Shakira sa Miami. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News