Emosyonal si Ms. World 2013 Megan Young nang mapanood ang mga inihayag ng kapatid na si Lauren Young sa blog nito tulad ng mga pagsubok sa buhay, lalo ang relasyon nilang magkapatid.
Kasabay nito, nilinaw din ni Lauren na hindi inggit ang dahilan kung bakit ayaw niyang tumanggap ng tulong kay Megan noon.
Masaya si Megan dahil napagtagumpayan na ni Lauren ang mga naging problema nito mula sa mga naging desisyon sa buhay, ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.
"Naiyak nga ako doon sa video kasi hindi ko alam na ganu'n 'yung mga views niya and I always just thought na baka masyado na akong harsh sa kaniya, baka parang nagiging nanay 'yung dating ko," sabi ni Megan.
Malaki rin ang kaniyang pasasalamat na nabuo na ang kanilang relasyon bilang magkapatid bago pa ito magkalamat.
Sa blog ni Lauren, sinabi niyang nagulat siya nang manirahan siya kasama si Megan, dahil tila hindi raw sila magkakilala at magkatrabaho lang.
Sa panayam naman ni Lauren sa Chika Minute, inamin niyang hindi inggit ang naging ugat kung bakit hindi siya tumanggap noon ng tulong mula kay Megan kundi ang kaniyang pagmamatigas.
"A lot of people just assume that I'm jealous of her because she's Ms. World. I have never felt jealousy towards Megan because I have that understanding naman na whatever she has, is never for me to be jealous about," sabi ni Lauren.
Improved na aniya ang relasyon nilang magkapatid, ayon kay Megan.
"I would honestly say that we were both, hindi kami receptive sa isa't isa. Kapag may sinasabi siya hindi ako nakikinig. 'Pag may sinasabi ako sa kaniya hindi rin siya nakikinig. But now it's a give and take situation for the both of us," saad ng beauty queen. —Jamil Santos/ LDF, GMA News