Bago si Josefa Llanes Escoda, si Melchora Aquino, o kilala rin bilang si "Tandang Sora," ang kauna-unahang Pilipina na inilagay ang larawan sa pera ng Pilipinas.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing unang nakita ang larawan ni Tandang Sora sa 100 peso bill na English series na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Tumagal ang paggamit sa naturang pera na may mukha ni Tandang Sora na tinaguriang Ina ng Himagsikan magmula 1951 hanggang 1966.

Sumunod nito, nakita naman ang larawan ni Tandang Sora sa baryang pera ng Pilipinas na singko sentimos.

Bukod sa paglalagay sa pera ng kaniyang larawan bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan, ipinangalan din kay Tandang Sora ang isang pangunahing kalye sa Quezon City, at ang isang barangay.

Ayon kay Kuya Kim, may kalye rin na ipinangalan kay Tandang Sora sa San Francisco, California.

Tuwing ika-anim ng Enero ginugunita ang kaniyang kaarawan, at hindi maiwasan ng iba na maitanong kung gaano na nga ba katanda si Tandang Sora kung nabubuhay ngayon?

Kung pagbabasehan umano ang pag-aaral ng scholar na si Dr. Jim Richardson, sinabi ni Kuya Kim na lumabas na ang tunay na kaarawan ni Tandang Sora ay January 6, 1836, kaya 189-taong-gulang na siya ngayon.

Kasabay nito, isang museum na alay kay Tandang Sora ang binuksan sa Quezon City na makikita ang ilang gamit na may kaugnayan sa kaniya.

“Ang museum ay pinangalanan nating Tandang Sora Women’s Museum dahil tinitingala natin si Tandang Sora. Ito ay na-inspire ng kaniyang mga virtues nga, mapagkalinga, matulungin, mapagserbisyo, at higit doon din ay ang kaniyang katapangan,” ayonsa curator at artist na si Sandra Torrijos.

“Herstorical siya. Nagsisimula ang concept sa babaylan, mga kababaihan noong araw, ay may pagkapantay-pantay sila bago dumating ang Espanyol. From there, umikot na tayo sa mga kababaihan na lumaban sa rebolusyon, hanggang sa contemporary women’s movement,” dagdag niya.

Sa ngayon, nagkaroon pa lang ng soft opening ang museum, at isasagawa ang hard opening sa February 19, na death anniversary naman ni Tandang Sora.-- FRJ, GMA Integrated News