Sinabi ng abogado ni direk Darryl Yap na pinadalhan ng kaniyang kliyente ng kopya ng script ng pelikula nito na "The Rapists of Pepsi Paloma" si Vic Sotto, bago pa man lumabas ang kontrobersiyal na teaser na nabanggit ang pangalan ng TV host-actor na inakusahang nanggahasa.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, inihayag ni Atty. Raymond Fortun, na ipinadala ng kaniyang kliyente ang script kay Sotto para makapagkomento ito.
"The purpose was really for them to give comments dun sa script, so wala naman po. Ilang beses po na nag-follow-up si Direk Darryl na tungkol dun until finally na shoot na lahat ng mga scenes, so hindi na namin kasalanan 'yon," ayon kay Fortun.
Nagsampa ng 19 counts of cyberlibel si Sotto laban kay Yap nitong Huwebes kasunod ng paglabas ng naturang teaser.
Inihayag ng TV host-actor sa panayam ng mga mamamahayag na walang nakipag-ugnayan sa kaniya mula sa produksyon ng naturang pelikula.
Sa ulat ng "24 Oras," sinabi rin ni Fortun na sasagutin nila sa Miyerkules sa korte ng Muntinlupa ang tungkol sa writ of habeas data na inihain ni Sotto laban sa pelikula niya.
Iginiit ng abogado na ipaglalaban nila ang karapatan ni Yap sa freedom of artistic expression.
Sa petisyon ng kampo ni Sotto sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205, hiniling nila na atasan si Yap na alisin sa lahat ng platform ang mga promotional materials ng pelikula, kabilang na ang kontrobersiyal na teaser.
Ayon sa abogado ni Sotto na si Atty. Enrique Dela Cruz, nitong Huwebes, kahit hindi pa inaaprubahan ng korte ang kanilang petisyon, naglabas umano ang hukom ng temporarily writ of habeas data na nangangahulugan na dapat alisin ni Yap ang mga promotional material ng pelikula.
Pero giit ng kampo ni Yap, wala pa silang natatanggap na utos mula sa korte na alisin ang kanilang teaser ng pelikula at iba pa ang materyales kaugnay ng pelikula.
Idinakda ng korte sa January 15 ang summary hearing tungkol sa petisyon ni Sotto.
Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya.—FRJ, GMA Integrated News