Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inalam ng King of Talk kung single o taken na ba ang mga bida sa GMA TV series na “Mga Batang Riles,” na sina Antonio Vinzon, Bruce Roeland at Raheel Bhyria.
“I would say it’s private,” maingat na pahayag ni Bruce.
“I totally respect that. Pero ang dating sa amin niyan, meron,” biro ni Tito Boy kay Bruce.
Nagpayo rin ang TV host kay Bruce na alagaan ang privacy na nais nito maging sa ipo-post sa social media.
“What you want to keep private, alagaan mo, so it becomes private. Hindi ‘yung private ang kasagutan, tapos ang post ay kakaiba,” paalala niya.
Si Antonio naman, na anak ng aktor na si Roi Vinzon, inihayag na single siya ngayon.
Ipapaalam din daw niya kapag nagkaroon na siya nobya.
“Para sa akin, gusto ko maipakilala ‘yung girlfriend ko sa lahat at I’m proud of that,” ani Antonio.
“Kulang ako ng isang tao, wala akong partner. Single ako,” sagot naman ni Raheel.
Sa Fast Talk segment, inilarawan ni Raheel ang kaniyang sarili bilang romantiko kaysa pilyo, at tahimik kaysa matinik.
Si Bruce naman, macho kaysa guwapo, siga kaysa masiba, at pipiliin ang kapwa kaysa sarili.
Si Antonio naman, “bad boy” kaysa “boy next door” ang pinili. Mas gusto rin ang morena kaysa mestiza, at mas nais na magkapera kaysa magka-girlfriend.
Gumaganap si Bruce bilang si Matos Victor, si Raheel bilang si Sig Borja, at si Antonio bilang si Dagul "Dags" Moreno sa "Mga Batang Riles," na napanonood ng 8 p.m. sa GMA Prime. Kasama rin nila rito si Miguel Tanfelix. --FRJ, GMA Integrated News