Natukoy na ang pagkakakilanlan ng babae at lalaki na nakitang patay at nakabaon sa hukay sa isang bakanteng lote sa Barangay Lun Padido sa Malapatan, Sarangani.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing kinilala ng mga kaanak ang mga biktima dahil sa kanilang mga tattoo.

Mag-live-in partner umano ang dalawa na residente ng General Santos City.  Edad 40 umano ang babae, at 46-anyos naman ang lalaki.

Ayon sa kaanak ng babaeng biktima, huling nakitang buhay ang dalawa noong gabi ng Martes, January 7, 2025, sa isang palengke.

Sa sumunod na araw, nadiskubre ng isang magsasaka ang bangkay ng dalawa na nakabaon sa hukay.

Inihayag ng mga awtoridad na nagtamo ng saksak ang mga biktima.

Hinihinala ng pulisya na posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay sa dalawa.

Patuloy pa ang kanilang imbestigasyon at nagsasagawa upang matukoy at mahuli ang salarin, ayon kay Malapatan Municipal Police Station Chief, Police Major Lloyd Levin Caigas. -- FRJ, GMA Integrated News