Excited na ang Kapuso leading man na si Rocco Nacino at Kapuso comedian Betong Sumaya sa gagawin nilang pagtatanghal sa Jeddah, Saudi Arabia para sa Kalayaan, Kantawanan, Kasiyahan sa Gitnang Silangan ng GMA Pinoy TV.

 


Ayon kay Betong na magiging second time na ang pagpunta sa Saudi: "Excited ako na makita ang mga Kapuso natin, makausap, maka-bonding, maka-selfie, at makapagbigay saya sa kanila."

Natutuwa raw ang komedyante tuwing may nakakasalamuha at nakakapagpasa ng mga kababayan.

"Iba po 'pag may interaction kayo sa kanila. 'Yung lumabas ka sa stage at nakita mo na nagpapalakpakan sila, iba 'yun eh. 'Yung ginagawa mo, naa-appreciate nila," ani Betong na kilala bilang si Antonietta sa "Bubble Gang."

Sinabi naman ni Rocco na mahalaga sa kanya ang mga ganitong shows abroad. "It's very important to me. Just seeing the smiles on the faces of our Kapuso when they see us perform ay malaking bagay na."

Ikinuwento rin ni Rocco na naging memorable sa kanya ang nakaraang show niya sa Canada, at hangad din niya makapagtanghal sa mga kababayan sa Singapore at States.

Pero pagdating sa Jeddah, "May chemistry na kami ni Betong. Magiging masayang-masaya ang show. We will offer lots of singing, dancing, katuwaan and interaction with the crowd."

Nagpasalamat naman ang dalawa sa GMA Pinoy TV, GMA International at GMA Life TV sa pagkakataong ibinigay sa kanila na makasama ang mga fans abroad.

Gaganapin ang "Kalayaan, Kantawanan, Kasiyahan sa Gitnang Silangan" sa June 30 sa Philippine Consulate Jeddah bilang pagdiriwang ng Philippine Independence Day at ng Eid al-Fitr.-- FRJ, GMA News