Patay ang isang taxi driver na iniwang duguan at nakabulagta sa gilid ng daan matapos pagtulungan at saksakin ng nakaalitang taxi driver din at kapatid sa Baguio City.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jhonsen Pelayo.

Sa CCTV footage na kuha noong Martes, makikita ang isang taxi na nakahambalang sa daan sa Asin Road, Baguio City, at may isa pang taxi na nasa likod nito.

Nang umalis ang nakahambalang na taxi sakay ang magkapatid na suspek, tumambad na ang duguang biktima na nakatumba sa daan.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

“Allegedly, itong victim ay nag-overtake at itong suspek ay hindi natuwa doon sa pag-overtake nitong victim, kaya nagkaroon ng gitgitan sa daan.  And allegedly, nagkaroon ng sakitan na nagdulot ng pananaksak,” ayon kay Baguio City Police Office Public Information Officer Police Major Harriet Bulcio.

Sumuko kinalaunan ang dalawang suspek sa pulisya at nakadetine sa BCPO Station 9.

Bagaman tumangging magbigay ng pahayag, inamin umano ng dalawa ang ginawang krimen.

“Na-inquest na po 'yung dalawang suspek kagabi at nai-file na or nai-refer na po sa prosecutor ang murder case against sa kanila,” ayon kay Bulcio.--FRJ, GMA Integrated News