Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na tumangay sa isang ibinebentang motorsiklo sa Rizal na hindi na niya ibinalik matapos na i-test drive. Ang kasama niyang babae na bago lang niyang girlfriend na kaniyang iniwan sa biktima, kalaboso.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News " 24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hiniling umano ng suspek sa biktima na i-test drive ang motorsiklo na nagkakahalaga ng P215,000 sa Barangay Ampid Uno, San Mateo.
"Nag-request itong suspect na i-test drive. Pero naiwan yung babae (girlfriend) habang kinakausap itong biktima," ayon kay Rizal Police Provincial Director Police Colonel Felope Maraggun.
"So nung tinest drive niya yung scooter, hindi na bumalik,” dagdag niya.
Sinubukan umano ng biktima na tawagan ang suspek pero hindi na niya makontak.
Dito na humingi ng tulong sa pulisya ang biktima, at kusa naman sumama ang babae na inaresto kinalaunan.
Ayon sa babaeng suspek, nakilala lang niya sa online dating app ang suspek na lalaki at hindi niya alam na tatangayin nito ang motorsiklo.
“Wala po talaga akong kaalam-alam na ganun po yung gagawin niya sa motor. Actually, daladala niya po yung iPhone ko po. Natangay din po yun. Biktima din po ako,” giit ng babae na nakadetine sa San Mateo Police Station.
“Sana mahanap ka na kasi ako yung nagbabayad ng kasalanan na di ko naman ginawa. Dapat ikaw yung nandito eh. Dapat ikaw yung nakakulong,” hinanakit pa ng babae. —FRJ, GMA Integrated News