Sinuportahan ni Dennis Padilla ang kaniyang kapatid na si Gene na tumanggap ng pamba-bash mula sa netizens kasunod ng kasal ni Claudia Barretto.

"Dear Gene, wala kang mali," saad ni Dennis. "Nagbigay ka lang ng suporta sa akin dahil naramdaman mo ko. Salamat."

Komento ito ni Dennis sa post ni Gene na inilahad niya na, "it's okay if you say hurtful things. You don't know me, and I don't know you - but I still choose to send you love, peace and prayers for healing."

Kasama ni Dennis na dumalo sa kasal ng anak niyang si Claudia, si Gene at ang kanilang 81-anyos na ina.

Naging kontrobersiyal ang naturang kasal nang maglabas ng saloobin sina Dennis at Gene kaugnay sa naging pagtrato umano kay Dennis bilang bisita at hindi ama ng bride.

Sinagot naman ito ng ina ni Claudia na si Marjorie Barretto, na naglabas naman ng sama ng loob kina Dennis at Gene dahil sa mga pahayag nila tungkol sa kasal ng anak.

Ipinaliwanag din ni Marjorie kung bakit hindi sinasagot ng kanilang anak ang mga tawag ni Dennis, at kung bakit mag-isa lang naglakad patungo sa altar si Claudia sa halip na ihatid ng ama.

Sinabi rin ni Marjorie na hindi kasama sa mga imbitado si Gene sa kasal na dahilan para magkomento ang netizens sa post ng aktor.— FRJ, GMA Integrated News