Matapos tanggapin ang kaniyang "diploma," hindi na tinapos ang isang batang limang-taong-gulang ang graduation ceremony at kaagad siyang nagtungo sa isang kulungan para tuparin ang wish ng kaniyang ina na nakakulong na makita siyang nakasuot ng toga sa unang pagkakataon.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang batang si Scarlet na masayang bumaba ng stage matapos tanggapin ang certificate ng kaniyang pagtatapos sa kindergarten ceremony sa Agusan del Norte.

Hindi na nila tinapos ng kaniyang tita ang buong seremonya at kaagad silang bumiyahe ng isang oras habang suot pa rin ni Scarlet ang toga papunta sa lugar kung saan nakakulong ang kaniyang ina.

Pero dumating sila sa kulungan na hindi pa pala oras para payagan ang mga dalaw.

Ngunit ayon kay Relyn Egos, tita ni Scarlet, tila inaabangan na sila ng ina ng bata nang oras na iyon dahil nakita na niya itong nakasilip sa bintanang may rehas.

Kaya naman si Scarlet, kaagad na pumuwesto sa ibaba ng bintana habang suot ang toga at kinausap ang kaniyang ina na nasa itaas.

Sabi ni Relyn, hiniling daw ng kaniyang kapatid na kung puwede ay bumalik sila at bisitahin siyang muli matapos ang graduation ni Scarlet, at kung puwede ay suot ng bata ang pang-graduation nito.

"Yung teacher din po niya pinayagan din kami na dalhin muna yung toga para makita rin ng nanay niya," dagdag ni Relyn.

"Nakita ko siya [ina] doon sa taas sa may binatana na nagsasalita, kinakausap niya [yung anak niya]. Napansin ko panay punas siya ng luha niya. Kaya hindi ko namalayan na umiiyak pala siyang habang kinakausap niya ang anak niya," kuwento pa ng tiyahin. "Tinatanong niya kung ano yung ginawa niya pag-akyat niya sa stage."
 
Ayon kay Relyn, iyon kasi ang kauna-unahang milestone sa buhay ni Scarlet na hindi kasama ang kaniyang ina.

Nakulong ang ina ni Scarlet matapos umanong mapagbitangan na sangkot sa ilegal na droga. 

Nabasura na raw ang kaso pero naghain ng motion for reconsideration ang prosekusyon.

Dahil sa nangyari, naiwan si Scarlet at kapatid nito na PWD sa pangangalaga ng kanilang lola.

Naging mahirap daw ang pinagdadaanan ngayon ng kanilang pamilya. Gayunman, hindi sila nawawalan ng pag-asa na magkakasamang muli ni Scarlet ang kaniyang ina na walang pader at rehas na nakapagitan sa kanila. -- FRJ, GMA Integrated News