Isang single mom na may anim na anak ang nasawi nang masalpok siya ng isang SUV na minaneho ng isang security guard na walang pahintulot umano ng may-ari. Limang iba pa ang sugatan sa insidenteng naganap sa Makati.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV footage na kuha sa Barangay Guadalupe Nuevo, nitong Lunes ng hapon na naglalakad ang biktima na si Amalyn Sim, 40-anyos, at patawid ng kalsada.
Maya-maya lang, dumating na ang SUV na mabilis ang arangkada na minamaneho ng 60-anyos na security guard at nasalpok ang babae na sumampa pa sa hood.
Pauwi na umano noon ang biktima galing sa trabaho nang mangyari ang sakuna. May limang iba pa ang nasaktan.
Kinalaunan, tumigil ang SUV matapos bumangga sa railing sa bangketa. Ang lalaking may-ari ng sasakyan, inilabas ang kaniyang ina na nasa loob pa noon ng SUV.
Paglilinaw ng may-ari ng sasakyan na si Bryan Dominic Guzman Jayamaha, ang security guard umano ang nagpumilit na paandarin ang SUV para ilipat ng paradahan kahit hindi nilang pinayagan.
"Nag-ask siya [sekyu] sa mother ko kung iuurong niya yung sasakyan. Sabi ng mother ko, 'huwag, antayin mo yung anak ko or tawagin mo yung anak ko.' Kaso nag-insist yung security na marunong naman daw siya. Matagal na daw siyang driver," ayon kay Jayamaha.
Sinubukan daw niyang habulin ang sekyu pero nakaarangkada na ang sasakyan.
Ayon kay Police Captain Kamir Kayat, OIC, Traffic Investigation, Makati Police, sinabi umano ng sekyu na utos ng establisimyento na binabantayan niya na iayos o ipaayos niya ang sasakyan na nakaharang para sa iba pang kliyente na darating.
"Sa tingin natin ay hindi niya alam imaneho [ang SUV na automatic] dahil sabi nung security guard na nagmaneho, pag-release pa lang ng lever ng handbrake, ito'y umandar na, padiret-diretso," ayon kay Kayat.
"Ang sabi niya sa akin, naka-drive na raw nung binaba niya yung lever ng handbreak," dagdag nito.
Nanawagan ng hustisya at tulong ang ina ni Sim.
"Ginawa ng guwardiya na 'yan, napakawalanghiya niya. Hindi man lang niya tiningnan kung may masasagasaan siya. Ang anak ko pa," hinanakit ni Evelyn Sim.
"Kung may magbibigay ng tulong para sa mga apo ko na lang," dagdag niya.
Tumanggi naman ang sekyu na magbigay ng pahayag, na ayon kay Kayat ay malaki ang pagsisisi sa nagawa.
Nakadetine ngayon ang sekyu na mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to properties. -- FRJ, GMA Integrated News