Isang 23-anyos na babae na tumaya ng P60.00 ang nanalo ng P100.89 milyong jackpot sa Lotto 6/42 draw noong March 18, 2025, ayon sa isang pahayag ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO).

Sa naturang pahayag, sinabi umano ng lotto winner na mula sa Quezon City na parehong kombinasyon ng mga numero na lagi niyang tinatayaan ang tumama.

Naging ugali umano ng lotto winner ang tumaya sa pag-asa na magbabago ang buhay ng kaniyang pamilya kapag nanalo ng jackpot.

Nakaranas umano ng pinansiyal na pagsubok ang kaniyang pamilya, kasama na ang pagkalugi ng kanilang negosyo.

Kaya nang tanungin kung ano ang gagawin niya sa kaniyang napanalunan, "Pambayad po ng utang.”

Magagamit din umano niya ang premyo para magkaroon muli ng financial stability ang kaniyang pamilya.

Ang lumabas na kombinasyon ng mga numero na lumabas sa naturang draw ay 19-2-21-13-16-22. -- FRJ, GMA Integrated News